Abante Tonite Interactive

DOE, ngayon lang umaksiyon kung may problema na?

0 208

Ely Saludar

Sakit na ata ng ilang departamento ng ating gobyerno na kung mayroong problema na ay saka pa lang aaksiyon.

Alam naman ng Department of Energy (DOE) na taon-taon ay nakakaranas ng tag-init at tagtuyot sa Pilipinas at ang posibilidad na maapektuhan ang geothermal plant nito.

At higit sa lahat ay kapag panahon ng tag-init ay mas malaki ang konsumo ng publiko sa kuryente kaya dapat ay may mala­king reserba dito.

Nakakatawa ang DOE dahil sinabing inaaksiyunan na daw nila ang problema sa enerhiya na naging dahilan upang mapilitan ang Meralco na magpatupad ng salit-salitang brownout sa Metro Manila at karatig bayan.

Related Posts

Sa buong taon ay dapat na nagtrabaho ang DOE dahil ang kanilang panguna­hing mandato ay tiyakin na sapat ang suplay ng kuryente at walang brownout na mararanasan sa buong bansa.

Lumilitaw na na­tulog sa ‘pansitan’ ang DOE dahil hindi napaghandaan ang posibilidad na problemang ito.

Laging ganito na lang ang eksena sa Pilipinas na kung may nangyari ng kalamidad o problema ay saka pa lamang kikilos ang mga opis­yal ng gobyerno.

Sa nangyaring kakapusan ng suplay ng tubig ay maraming sektor at mambabatas ang nagpanukalang magtatag ng Department of Water upang siyang pangunahing tumutok sa posibleng kaharapin na problema sa suplay ng tubig sa bansa.

Eh maaring kung magkaroon ng Department of Water ay hindi pa rin maiwasan ang krisis dahil kapag nandyan na ang problema ay saka pa lang aaksiyon ang gobyerno tulad ng ginagawa ngayon ng DOE.

Kaya naman hindi talaga katiyakan na kapag may departamento ng nanga­ngasiwa sa isang sektor ay maaari pa rin na maging pabaya ang ilang opisyal ng pamahalaan.