Abante Tonite Interactive

DOF humirit ng dagdag buwis sa yosi

439

Nais ng Department of Finance |(DOF) na itaas ang buwis sa sigarilyo sa P60 hanggang P90 kada kaha kaya’t inilunsad nito kahapon ang kampanyang Yosi Kadiri kasama ang Department of Health (DOH) at si Senador Manny Pacquiao.

Unang pinasikat ng namayapa nang dating senador at dating health secretary Juan Flavier ang kampanyang Yosi Kadiri para hikayatin ang mga taong tumigil sa paninigarilyo dahil nakasasama ito sa kalusugan

Kakataas lang ng buwis sa maraming produkto nu’ng 2018, kasama na ang buwis sa petrolyo at softdrinks, sa ilalim ng TRAIN Law ngunit hindi pa rin ito sapat para pondohan ang gastusin ng administrasyong Duterte.

Abante Hiring – IT dep

“Hindi pa tapos ang laban,” ang tagline ng pa­nibagong kampanyang Yosi Kadiri.

Sa pagtaas ng buwis sa sigarilyo, nais ng pamahalaang awatin ang kabataan sa paninigarilyo at makakalap ng pondo para sa Universal Health Care Law.
Sabi ng DOF, tatlong linggo na lang ang nala­labi sa 17th Congress para mapasa ang mga nabinbing panukalang batas sa Senado at Kamara.

Ayon sa DOH, may tatlong senate bills na naihain na sa Senado na naglalayong magtaas ng buwis sa sigarilyo: Ang Senate Bill No. 1599 ni Senador Pacquiao na magtataas ng tobacco excise tax sa P60 kada kaha at karagdagang 9% kada taon; ang Senate bill No. 2177 ni Senator Sherwin Gatchalian na nagmumungkahi ng excise tax na P70 kada kaha; at ang Senate Bill No. 1805 ni Senator JV Ejercito na namumungkahing itaas ang buwis sa yosi sa P90 kada kaha. (Eileen Mencias)