Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH: 126 gumaling sa COVID, namatay pala

0 63

Itinuwid ng Department of Health (DOH) ang kanilang datos hinggil sa bilang ng mga gumaling at nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Base sa DOH COVID-`19 Case Bulletin No. 182 na inilabas alas-kuwatro ng hapon nitong Sabado, Setyembre 12, nilinaw ng kagawaran na mayroon silang iniulat dati na 128 kaso na nakarekober sa virus subalit matapos ang final validation ay nalaman na 126 dito ang nasawi pala habang aktibong kaso pa ang dalawa.

Samantala, nitong Sabado ay nakapagtala ang DOH ng 4,935 na mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 infection kung kaya’t umabot na sa 257,863 ang kabuuang kaso nito sa bansa.

May 659 naman ang nakarekober kung kaya’t nasa 187,116 na ang kabuuang bilang ng gumaling sa COVID-19.

Mula umano sa 4,935 na mga bagong kasong naitala nitong Sabado, 82% o 4,034 sa mga ito ay naitala sa nakalipas na 14 araw mula Agosto 30 hanggang Setyembre 12.

Pinakamataas pa rin ang COVID case sa National Capital Region na nakapagtala ng 2,025 (50%); Region 4A (872 o 22%) at Region 3 (330 o 8%).

Nagkaroon naman umano ng 32 duplicate na inalis sa total case count.

May apat na kaso naman umano ang naging negatibo sa COVID at inalis din ito sa total case count.

Isang laboratoryo naman ang hindi nakapagsumite sa COVID-19 Data Repository System (CDRS).

Leave A Reply

Your email address will not be published.