Abante Tonite Interactive

DOH: 17 bagong PUI sa COVID-19 nairekord

288

May naidagdag ang Department of Health (DOH) kahapon na 17 bagong patient under investigation (PUI) kaugnay ng patuloy na isinasagawa nilang pagtunton sa mga taong posibleng dinapuan o infected ng 2019 coronavirus disease o CO­VID-19.

Base sa pinakahuling datos na inis­yu ng DOH dakong alas-10:00 nang umaga kahapon, mula sa da­ting 539 na cumulative total ng mga PUI na naitala nitong Pebrero 19, Miyerkoles, umakyat ito sa 556.
Gayunman, patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga PUI na naka-admit pa sa mga pagamutan sa bansa.

Nalaman na nasa 133 na lamang, mula sa dating 135 ang mga PUI na nananatili pang nilalapatan ng lunas sa mga pagamutan, o nabawasan ng dalawang PUI.
Gayunman, pinakarami sa mga PUI ay naka-admit sa mga medical facility sa Metro Manila.

Samantala, may kabuuang 420 PUI ang pinayagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan pero isinasailalim pa rin sa istriktong moni­toring.

Habang nananatili pa rin naman sa tatlo ang kumpirmadong CO­VID-19 case sa bansa, na pawang mga Chinese national na mula sa Wuhan City, Hubei, China.

Nabatid na dalawa sa kanila ang nakarekober at nakauwi na ng kanilang bansa habang ang isa ay binawian ng buhay habang ginagamot sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH na nananatili na wala pang naiulat na local transmission ng COVID-19 sa bansa. (Juliet de Loza-Cudia)