Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH: 2.5M na gumaling sa coronavirus

0 58

Mula sa kabuuang bilang na 2,654,450 ng mga nagkasakit dahil sa COVID-19 sa bansa, umabot na sa 94.5% o 2,508,387 ang nakarekober sa virus infection.

Batay ito sa COVID-19 Case Bulletin No. 574 na inilabas ng Department of Health (DOH) kahapon, Oktubre 9, kung saan ay nakapagtala ng 11,010 bagong kaso habang 22,529 ang gumaling at 273 ang bagong nasawi.

Hanggang kahapon ay nasa 106,558 o 4.0% na ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso sa bansa.

Umakyat naman sa 39,505 o 1.49% ang kabuuan ng mga nasawi dahil sa COVID.

Samantala, ipinahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng bumaba sa 1,000 kada araw ang maitatalang kaso ng COVID sa Metro Manila pagsapit ng buwan ng Nobyembre kung mapapanatili ng rehiyon ang pagbaba ng hawaan ng coronavirus.

SM food to go Banner Ad

“Kung magtutuloy-tuloy ‘yan at maipagpapatuloy ang pag-control nitong transmission ng sakit na ito, lahat nagho-hope that by Christmastime magkakaroon tayo ng mas maluwag na classification at restriction,” pahayag ni Vergeire sa Laging Handa public briefing.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na bagamat bumababa ang mga naoospital sa Metro Manila dahil sa COVID, ang problema sa pagsisikip sa mga ospital ay hindi agarang masosolusyunan dahil tumatagal aniya ang recovery period ng mga pasyente ng 21 araw o higit pa, lalo na ang mga nasa intensive care unit.

Kung kaya’t payo nito sa publiko na manatiling sundin ang mga safety protocol bilang proteksyon sa sarili at sa pamilya.

Inihayag din ni Vergeire na pag-uusapan din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang posibilidad na pagpapalawak ng COVID-19 alert level system sa labas ng Metro Manila.

Isinailalim ang Metro Manila sa alert level 4 mula Setyembre 16 hanggang Oktubre 15 kung saan ang mga lugar na mayroong positibong kaso ng COVID ay inilalagay sa granular lockdown. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.