Abante Tonite Interactive

DOH bumawi: Bayan sa Iloilo naka-quarantine lang

340

Nagpasalamat si Iloilo Vice Governor Christine Garin sa Department of Health (DOH regional office sa Western Visayas matapos na ituwid aniya nito ang pagkakamali ng kagawaran.

Nauna rito ay inihayag ng regional office na mga person under monitoring (PUM) sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) lahat ng nakatira sa bayan ng Guimbal.

“I’m thankful for DOH for admitting their mistake. It’s not easy to say sorry, especially at a time like this,” sabi ni Garin na dating alkalde ng Guimbal.

Noong Miyerkoles ay nag-isyu ng paglilinaw si DOH Regional Director Marlyn Convocar.

“Since the municipality of Guimbal is on enhanced community quarantine, all persons are on strict quarantine (not all are PUMs),” ayon kay Convocar.

Kung kaya’t payo nito na manatili sa kanilang mga tahanan ang mga nakatira sa dalawang barangay ng Guimbal kung saan mayroong mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 infection,

Sinabi pa ng opisyal na kinakailangan din ang magsusing pag-monitor at social distancing sa kalagayan ng iba pang barangay.

Ayon ay Garin, mahalaga ang ginawang paglilinaw ng DOH dahil nakaranas ng diskriminasyon ang mga residente ng Guimbal matapos ang unang pahayag na nagtuturing sa kanilang lahat bilang mga PUM.

Tiniyak din nito sa kagawaran na matagal na rin pinatutupad ng pamahalaang lokal ang home quarantine sa lahat ng barangay.

Matatandaang dineklara ng DOH regional office bilang mga PUM lahat ng nakatira sa Guimbal noong Marso 31 matapos makumpirma na nagkaroon ng local transmission dito ng coronavirus. (Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad