Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH: COVID posibleng sumirit sa sunod na linggo

0 76

Huwag maging kampante sa mababang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dahil posibleng tumaas ito sa mga susunod na linggo.

Inihayag ito ng Department of Health (DOH) matapos makapagtala ng 891 mga bagong kaso ng nagkasakit dahil sa COVID-19 habang 8,316 ang gumaling base sa mga datos na napasakamay nila hanggang alas-kuwatro ng hapon nitong Linggo, Enero 3.

Dahil dito, umakyat sa 477,807 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at nasa 20,292 naman ang mga aktibong kaso.

Nasa 448,258 ang kabuuang bilang ng mga gumaling habang nadagdagan naman ng apat ang mga nasawi kaya umabot na sa 9,257 ang kabuuang bilang ng pumanaw dahil sa coronavirus.

Samantala, sa mga probinsya at siyudad na nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 ay nanguna ang Davao City na mayroong 65 kaso.

Sumunod ang Rizal, 55; Isabela, 50; Maynila, 40; at Quezon City, 37.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH na bumaba ang bilang ng mga naitalang kaso dahil sa pagbaba ng bilang ng mga pasyente na nakita sa mga COVID-19 laboratory nitong bagong taon.

Pero, pinaalala ng DOH sa publiko na maging maingat sa pag-interpret sa nilabas nilang mga datos dahil maaari tumaas pa umano ang mga kaso ng COVID sa bansa sa mga susunod na linggo.

“The DOH continues to assess the extent of the effects of the holiday season on COVID-19 trasnmission,” sabi pa ng DOH. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.