Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH, FDA sinermonan ni Defensor sa Ivermectin

0 194

Nakatikim ng sermon ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na dumalo sa virtual hearing ng Kamara dahil sa bagal kumilos para sa pagproseso ng gamot na makatutulong para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Hindi napigilan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na sermunan si FDA Director General Eric Domingo dahil sa hindi agad pag-aksiyon sa inihaing license to operate ng isang integrative medical doctor na si Dr. Allan Landrito para sa paggawa ng Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19.

Iginiit ni Defensor na isa siya sa gumamit ng Ivermectin matapos na magpositibo sa COVID-19 at nakatulong umano ito sa kanyang panggaling.

Dahil dito, itinutulak ni Defensor na gamitin na sa lalong madaling panahon ang Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19 at huwag na umanong hintayin na marami pang mamamatay.

Nilinaw naman ni Domingo na wala silang natanggap na aplikasyon mula kay Landrito.

Pinanindigan din ni Domingo na hindi pa rehistrado ang Ivermectin kung kaya’t hindi pinapahintulutang ang paggawa nito gayundin ang pagbenta at paggamit bilang gamot.

“Mali ho ito mali ang ginagawa ninyo na pinapahirapan ninyo ang taong nagpo-produce nito… Sec. Domingo, Sec. Duque you have to be proactive… you have to do something. Marami nang namamatay,” buwelta naman ni Defensor.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Inihayag naman ng FDA na aaprubahan nila ang paggamit ng Ivermectin kontra COVID-19 basta kumpleto ito sa mga datos.

“Basta ‘pag kumpleto po ‘yong requirements at sinubmit lahat ng requirements, kaya po ‘yan within 4 to 6 weeks ang certificate of product registration,” ayon kay Domingo.

Gayundin ang katiyakan na ibinigay ni Health Secretary Francisco Duque III ngunit kailangan lamang aniyang sumunod sa itinakda ng batas.

“Ako ay sumusuporta sa posisyon ng ating mambabatas pero gawin natin sa tamang paraan kundi sundin ang batas,” ayon kay Duque.

“Let me just assure the congressman, we will look into this right away and we will see the use this preparation of Ivermectin but at the same time ensuring that there is enough safety data as they claim, ‘yon ang ginagawa ng mga dalubhasa, ang technological experts… Let me just reassure you that we will look into this immediately,” ayon pa kay Duque.

Inabot ng mahigit siyam na oras ang pagdinig ng komite na hindi Lamang nakatutok sa pagpababawal ng paggamit ng Ivermectin kundi sa naging kabuuang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.