Abante Tonite Interactive

DOH, FDA: Usok ng e-cigarette nakalalason

267

Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa publiko hinggil sa panganib na maaaring idulot sa kanilang kalusugan ng paggamit ng electronic cigarette

Taliwas sa mga nagsasabing epek­tibo ang e-cigarette para matigil ang tobacco smoking, sinabi ng dalawan­g ahensya na wala pang sapat na ebidensiyang batay sa pananaliksik para patunayan ito.

Sa pahayag na inilabas ng DOH nitong Lunes, binalaan nito ang publiko hinggil sa mapanganib na kemikal sa mga e-cigarette katulad ng nicotine, ultra-fine particles, carcinogens, heavy metals, at volatile orga­nic compounds.

Batay umano sa pag-aaral, lumabas na ang e-cigarette ay naglalaman ng mataas na lebel ng addictive nicotine na maaaring magdulot ng acute o fatal poisoning kapag ito’y nalunok o nalanghap.

Nakapagtala rin umano ng mga kaso ng “nicotine toxicity” sa mga bata sa ibang bansa kung saan dumarami ang gumagamit ng e-cigarette.

“E-cigarette aerosol that users and bystanders breathe and exhale also contain harmful and potentially harmful substances including second-hand aerosols (SHA),” pahayag ng DOH.

Ang e-cigarette ay kombinasyon ng non-tobacco-containing e-liquids o refills at electronic delivery device. Lumilikha ito ng aerosol vapor na siyang nilalanghap ng mga e-cigarette user. (Juliet de Loza-Cudia)