Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH ginagalugad 183 biyahero sa Africa

0 114

Kasalukuyang nagsasagawa ng backtracing at re-testing ang Department of Health (DOH) sa mga biyaherong dumating sa Pilipinas mula sa ilang bansa sa Africa.

Nabatid kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 183 biyahero mula sa Africa na dumating sa Pilipinas mula Nobyembre 15 hanggang 19 ang hinahanap nila ngayon para masuri dahil sa banta ng Omicron variant.

Kaugnay nito, inatasan na umano ang mga lokal na pamahalaan, ang Bureau of Quarantine at Department of the Interior and Local Government (DILG) para tumulong na hanapin ang mga dumating na biyahero na nagmula sa mga bansa na nasa red list ng pamahalaan.

Ang red list ay tumutukoy sa mga bansa na kinokonsiderang `high risk’ sa COVID-19.

Kasama sa mga bansang inilagay sa red list ang ilang bansa sa Africa katulad ng Botswana, Eswatini, Lesotho, Mozambique, Namibia, South Africa, Zimbabwe. Nasa red list din ang Belgium, Italy, Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands at Switzerland mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 15.

3 nagpositibo sa COVID

Inihayag pa ni Vergeire na tatlong biyahero mula sa South Africa, Burkina Faso at Egypt ang nagpositibo sa COVID-19.

Ipadadala aniya nila sa Philippine Genome Center ang resulta ng pagsusuri para isailalim sa genome sequencing.

Nilinaw naman ni Vergeire na wala pang na-detect na Omicron variant sa Pilipinas.

“We are doing our biosurveillance regularly and we’re also doing backtracing, nagre-retrospective sampling din tayom,” ani Vergeire. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.