Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH hugas-kamay sa hazard pay

0 292

Inihayag ng Department of Health (DOH) na seryoso nilang tinitingnan ang karaingan sa benepisyo ng mga health worker na nagsisilbing frontliner sa COVID-19 pandemya at kanila itong iniimbestigahan para malapatan ng kaukulang aksyon.

Gayunman, sa inilabas na pahayag nitong Sabado, sinabi ng DOH na ang Active Hazard Duty Pay (AHDP) at Special Risk Allowance (SRA) sa ilalim ng Bayanihan 1 ay base sa savings ng mga ospital at sakop lang nito iyong mga frontliner na nag-duty noong enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 15 hanggang Mayo 16.

Sabi ng DOH, dahil wala namang savings ang ibang ospital kung kaya’t naglaan sila ng mahigit P51 milyong pondo para sa 17 DOH-retained hospital na humingi sa kanila ng karagdagang pondo.

Sa ilalim naman umano ng Bayanihan 2, ang mga nasabing benepisyo o hazard pay ng mga frontlienr ay itinakda sa ilalim ng Administrative Orders No. 35 at 36 na inisyu ng Office of the President noong Nobyembre 16.

Naglabas naman umano ang DOH at Department of Budget ng joint circular noong Nobyembre 25 para sa P9.2 bilyong alokasyon sa mga DOH-retained hospital, Centers for Health Development, at Ministry of Heath ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Hinggil sa mga health worker na dumadaing dahil wala pang natatanggap na benepisyo, pinayuhan na lamang ito ng DOH na ipabatid sa kanila kung anong mga ospital umano ang hindi pa nagbibigay ng benepisyo para sa mga frontliner.

Sabi ng DOH, puwedeng magreklamo ang mga health worker subalit kailangang suportahan din ito ng ebidensya para maayos ang kanilang mga hinaing.

Nitong Biyernes, Nobyembre 27, ay nagsagawa ng kilos protesta ang mga health worker ng Philippine General Hospital (PGH) dahil sa hindi pa nila umano natatanggap ang kanilang mga benepisyo.

Inihayag naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa ilalim ng University of the Philippines (UP) ang PGH at hindi sa kagawaran.

Aniya, hindi nanggagaling sa DOH ang budget ng PGH gayunman inaayos na umano ngayon ng naturang ospital ang problema nito sa kanilang mga health worker. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.