Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH: Ilang ospital `di sumusunod sa COVID patient capacity

0 309

Binabalewala ng ilang ospital ang ipinatutupad na mga pamantayan na kailangang ilaan para sa COVID-19 patient ang 30% ng kanilang bed capacity.

Sinabi ito ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng mga ulat na ilang ospital ang hindi na kayang tumanggap ng COVID-19 patient.

“For example, ang isa pong hospital ang standard natin dapat magtalaga kayo ng 30% of your hospital beds for COVID,” ayon kay Vergeire.

“Kaya lang po, hindi lahat ng ospital nagko-comply diyan. So they allot this number of beds for COVID, tapos kapag napuno na po `yan, magsasabi na sila ng full capacity,” aniya pa.

Nabatid na pinulong ng DOH ang mga kinatawan ng mga ospital para alamin ang kanilang kakayahan sa pagtanggap ng mga pasyenteng may COVID-19. Binigyang-diin ng DOH na kanilang minomonitor ang mga pagamutan.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na fake news ang kumakalat na puno na ang mga ospital sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

“Nililinaw namin na `yong mga kumakalat na fake news na ubos na raw ang hospital beds ng ating mga hospital. Hindi po yan totoo,” according to Roque.

“Nagpulong ngayon ang ating Department of Health at ang lahat ng mga medical directors ng mga hospitals sa Metro Manila. Ano ang lumabas sa meeting na ito? Meron tayong mandatory na 30 percent of all bed capacity na dapat ilaan para sa COVID. Hindi pa nabi-breach itong 30 percent na ito,” ani Roque. (Juliet de Loza-Cudia/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.