Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH online meeting P1M inubos sa catering

0 252

Mayroon ding mga nasilip na iregularidad ang Commission on Audit sa paggastos ng mga regional office ng Department of Health (DOH) sa kanilang pondo na umabot sa P557 milyon kabuuang halaga.

Kabilang dito ang hindi naman umano kinakailangang gastusan na catering service para sa mga virtual meeting ng Center for Health Development sa Region 6 na umabot ng P1.08 milyong ang ginastos.

Giit ng COA, hindi naman umano mahalaga na magpa-cater pa dahil ang mga lumahok sa virtual meeting ay nasa kanilang mga trabaho at ginagampanan pa rin ang mga tungkulin.

Ang iba pang nasilip na iregularidad ay ang paggastos umano ng P2.11 milyon para sa hazard pay ng mga empleyado ng Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Region 7 bagama’t hindi umano personal na nagre-report ang mga ito sa trabaho at hindi kuwalipikado dahil sa maraming leave of absence.

May mga nasilip din umanong “excessive expenditures” sa Region 2 katulad ng hazard pay na lampas sa pinahihintulutang halaga batay sa Administrative Order No. 26 para sa mga kawani ng pamahalaan na pumapasok sa trabaho sa gitna ng lockdown.

Binigyang-diin sa COA report na ang mga nabanggit na paggastos ng mga regional office ng DOH ay hindi alinsunod sa mga itinakda ng Presidential Decree No. 1445 o Government Auditing Code of the Philippines at COA Circular No. 2012-001.

Sa kabila nito, binanggit din ng COA na aatasan umano ni DOH Secretary Francisco Duque III ang kanilang mga tanggapan para sumunod sa mga patakaran at iba pang polisiya upang hindi maisyuhan ng notice of disallowance. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.