Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOH savings ibibili ng Sinovac vaccine – Duque

0 78

Ilalaan ng Department of Health (DOH) ang kanilang savings para ipambili ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa ng Sinovac.

Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III sa Laging Handa public briefing nitong Lunes na bibili sila ng 50,000 dose ng bakuna ng Sinovac at babayaran gamit ang savings ng kagawaran.

“Ang paggagamitan po nu’ng [savings], sa Sinovac na aangkatin natin. Kaunti lang ito, 50,000 doses muna ang babayaran,” ayon kay Duque.

Karagdagan umano ito sa 600,000 dose ng Sinovac vaccine na donasyon ng gobyerno ng China sa Pilipinas.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Samantala, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi mahinang klase ang bakuna ng Sinovac sa kabila ng pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi ito maaaring iturok sa mga health worker at mga senior citizen.

Sabi ni Roque, pumasa sa 50% standard efficacy ng World Health Organization (WHO) ang Sinovac, na ang ibig sabihin ay 50% lamang ang tiyansa na matamaan ng COVID-19 ang mga naturukan nito.

Tiwala pa rin ang Palasyo na tatanggapin ng publiko ang Sinovac vaccine dahil makasisiguro umano na hindi mamamatay sa COVID-19 kapag nabakunahan nito.

Nilinaw pa ni Roque na walang nilagdaang indemnification deal ang gobyerno sa Sinovac kapalit ng paggamit sa bakuna nito laban sa COVID. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.