Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOJ binutata DOLE: Walang puwersahan sa COVID bakuna!

0 158

Hindi maaaring puwersahin ang mga empleyado na magpabakuna laban sa COVID-19 kahit pa ibinaba na sa alert level 3 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ilang lugar sa bansa.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi siya sumasang-ayon sa naunang pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na mayroong ligal na batayan para pigilan ng mga employer ang pagpapasuweldo sa kanilang mga manggagawa na hindi pa bakunado.

Ang tinutukoy ni Bello ay ang IATF resolution kung saan ang mga restaurant na nasa ilalim ng alert level 3 ay maaari umanong magbukas para sa indoor dining hanggang 30% capacity at outdoor dining na hanggang 50% capacity kung kumpleto na ang bakuna ang bakuna ng kanilang mga empleyado.

Matatandaang nilinaw rin ni Bello ang kanyang pahayag at sinabing walang batas na nag-oobliga sa mga Pilipino para magpabakuna.

“The subject IATF resolution placing the NCR under Alert Level 3 and authorizing certain establishments to open their doors to customers or clients simply provides that they may do so as long as their staff or employees are all vaccinated,” ayon kay Guevarra.

SM food to go Banner Ad

Ibig aniyang sabihin nito na ang mga nasabing establisimiyento ay dapat na himukin ang kanilang mga empleyado para magpabakuna na bago sila payagang magbukas ng negosyo.

“But they may not compel their employees or staff to get themselves vaccinated,” ayon kay Guevarra.

Binanggit pa ng kalihim na sa ilalim aniya ng Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, hindi mandatory ang vaccination card bilang requirement para sa mga naghahanap ng trabaho.

Nilinaw naman ni Guevara na tatalakayin din niya ito sa DOLE. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.