Abante Tonite Interactive

DOJ pinaeeksena sa estafa case vs Okada

By
1,674

Hiniling ng hotel o­perator ng Okada Manila sa Department of Justice (DOJ), na pasukin na ang imbes­tigasyon sa isyu ng leakage ng dokumento hinggil sa $10 million estafa case laban kay gamin­g tycoon Kazuo Okada.

Sa pitong pahinang manifestation at motion na inihain ng Tiger Resort Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI) noong Biyernes, iginiit nila kay Justice Secretary Menardo Guevarra na parusahan si Parañaque City Prosecutor Amerhassan Paudac dahil sa paglabag sa rules and procedures, at sa Code of Conduct for Prosecutors, sa paghawak ng kaso sa kanyang tanggapan.

Si Paudac ay inakusahan ng TRLEI ng ‘bias and partiality’ matapos sumingaw ang kopya ng resolusyon na nagbabasura sa estafa case ni Okada, kung saan ang ‘dispositive portion’ nito ay napadpad sa social media account ni Korean national Chloe Kim, pinaniniwalaan na kasintahan ni Okada.

Ang Tiger Resort ang siyang may-ari at operator ng Okada Manila sa Entertainment City sa Parañaque na dating pi­nagsilbihan ni Okada bilang chief executive officer bago siya sinipa sa puwesto noong nakaraang taon dahil sa pagtangay sa $10 mil­yong pondo ng kompanya.

Hiniling ng kompanya kay Guevarra na patigilin si Paudac sa pag-iimbestiga sa leak, sa pangamba na posibleng magkaroon ng whitewash sa imbestigasyon, kung kaya’t makabubu­ting ang kalihim ng DOJ ang siyang manguna sa imbestigasyon nito.

Noong nakaraang linggo, humirit din ang TRLEI na imbestigahan si Paudac sa pag-leak ng resolusyon at mag-inhibit sa kasong nakabinbin sa kanyang tanggapan.