Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Doktor na, abogado pa

0 397

Kamakailan ay naipahayag natin ang tuloy tuloy na pag–aaral ng mga propesyonal at kabilang na dito ang mga doktor. May kinalaman dito ang tanong sa atin itong linggong ito. Sa kinahabahaba ng panahong maka- graduate ang isang doktor, nakukuha pang maging abogado, pwede po ba yon?

Pagkatapos pumasa ng kanilang board exam ay magkakaroon na ng lisensya upang makapag-practice ng paggagamot ang isang doktor. Ang karamihan ay agad agad bumabalik sa kanilang mga lugar para matulungan ang kanilang mga kababayan, ang ilan naman ay tumutuloy ng training bilang residente at fellows para maging spesyalista. May mangilan-ngilan din naman na nagdedesisyon mag-aral ng iba pang kurso, ang isa na dito ay ang abogasya. Kapag napasa nila ang bar exams, dalawa ang kanilang degree. Ang kanilang titulo ay parehong “Doctor” at “Attorney”. Hindi pa ganoon kadami ang bilang nila dito sa bansa, ngunit sapat na para magkaroon sila ng ilang organisasyon.

May dalawang aspeto ang umiiral sa kanila, ang una ay ang tinatawag na legal medicine, ang pangalawa ay ang medical jurisprudence. Ang legal medicine ay isang hanay ng medisina na may kinalaman sa paggamit ng medikal na kaalaman para mapatunayan ang hustisya. Ang medical jurisprudence naman ay may kinalaman sa practice of medicine. Kabilang na dito ang mga karapatan ng doktor at ng mga pasyente.

Sa totoo lang, bago pa pinag-aralan ni Hippocrates (460-355 BC) sa Greece, kung paano namamatay ang isang biktima dahil sa sugat, ang kaunaunahang ebidensya ng medico-legal ay ang Egyptian na si Imhotep (2980 BC). Siya ang doktor nung panahon ng pagtayo ng kaunaunahang pyramid at siya din ang nagpatunay kung sino ang may sala sa kaunaunahang murder trial sa mundo.

Dito naman sa Pilipinas, 1858 ang unang imprenta ng mga libro ukol sa medico-legal mula pa sa Espana. 1871 naman unang itinuro sa mga magaaral ng medisina ang mga ito. Ngunit ang pinakakilala sa lahat ng magaaral ng medisina ay ang mga libro ni Pedro Solis MD, LlB, na copyright noon 1988, at hanggang ngayon ay ginagamit pa rin.

Dalawa ang pakay ng medico legal officer. Ang una ay naghahanap at nagpapatunay ng ebidensya ng isang krimen. Kabilang dito ang mga physical injuries, pati ang pagkamatay, mapa aksidente o sinadya. Kasama din ang mga sex crimes, pagdadalangtao at abortion. Nag-iimbestiga sa pamamagitan ng autopsiya at pati na din pagtingin ng crime scene. Ang ikalawa naman ay bilang abogado at sumusulat ng mga dokumento at iba pang legal na papeles, pati na ang pagharap sa korte.

Sana ay naging interesting ang topic na ito para sa inyo.

Hanggang sa susunod! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.