Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Doktora hinostage ng pasyente

0 417

Dahil sa matinding nararamdamang sakit sa pagkakaaksidente at hindi agad ginamot, hinostage ng isang security guard ang isang doktora na nakatalaga sa Emergency Room ng East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen Ronnie Montejo ang suspek na si Hilarion Achondo, 51, security officer, taga-No.32 Milagrosa St., Bagong Barrio Barangay 152 Caloocan City.

Nakilala naman ang biktima na si Doktora Russell Carandang, 29, taga-#7 Dimasalang St. Project 8, QC.

Sa inisyal na ulat, alas-5:50 ng umaga (July 01) nang maganap ang insidente sa emergency room ng nasabing hospital.

Abala umano ang doktora sa pag-aasikaso sa mga pasyente sa loob ng emergency room nang bigla na lamang kumuha ng syringe ang suspek, hinila ang doktora at itinutok sa leeg nito ang hawak na injection.

Nagkataon namang naroon sa lugar ang ilang tauhan ng QCPD Criminal Investigastion and Detection Unit (CIDU) dahil mayroon silang ginagawang pagsisiyasat.

Pinuntahan at agad na nagpakilala si PSSG Bienvenido Ribaya III na pulis at pilit na pinapakalma ang suspek.

“Sabi sa akin barilin ko na lang daw siya, sabi ko naman hindi kami magkalaban at kakampi mo kami” ayon kay Ribaya.

Ilang minuto rin ang tinagal ng negosasyon hanggang sa mapakalma ang guwardiya at ligtas na pinakawalan ang doktora saka tinapon ang syringe.

Nabatid ang motorsiklong minamaneho ng guwardiya ay sangkot sa vehicular accident kaya dinala ito sa naturang ospital.

Nagalit umano ang guwardiya dahil sa hindi siya agarang naaasikaso bunsod na rin ng dami ng pasyente.

Nakapiit na ang suspek sa CIDU detention cell at nahaharap sa kasong grave coercion, alarm and scandal at grave threat. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.