Abante Tonite Interactive

Dokumentaryo ng Gilas wala sa lugar!

By
2,709

Ang TV5 ay nag­labas ng documentary na ang pamagat ay ‘Gilas…A Story of Brotherhood.’

Napanood ko din itong dokumentaryo na ito pero sa akin lang, sana hindi muna inilabas ng TV5 ito kasi wala pa namang decision ang FIBA sa pagsusuri nila sa mga pangyayari sa laro ng Gilas at Australia noong July 3 sa Philippine Arena.

Sa ikatlong quarter ng laro, kung kailan lumamang ang Australia ng mahigit 30 puntos, nagkaron ng rambulan.

Sa akin lang, ang dating sa akin ng do­cumentary ay parang pinapalabas na biktima ang Gilas at ang Australia ang nag-umpisa ng lahat. Parang mali ang dating sa akin. Dapat siguro naghintay ang TV5 ng pagsusuri at decision ng FIBA bago nilabas ang documentary.

Oo, tingin ko, maaaring gusto ng TV5 na baguhin ng konti ang public opinion at palabasin na kasalanan lahat ng Australia at dapat mag-sorry sila sa atin. Mahal ko ang Gilas team at wala namang may gusto sa mga pangyayari, ngunit huwag naman natin ibintang lahat sa Australia. May mga interview pa sa isang PBA coach na dapat mag-apologize daw ang Australia sa atin.

Kayo na ang humusga kasi napanood naman natin ang laro. Ang napanood ko ay totoong pisikal maglaro ang mga Australyano at medyo na-frustrate na ang ating mga manla­laro. Hindi tayo maka-shoot hanggang tinambakan na tayo ng 30 puntos. Galing sa talo ang Australia sa Japan at alam naman natin na ibubuhos nila lahat sa atin.

At ‘yung na nga ang nangyari. Sa aking nakita sa laro, nu’ng unan­g quarter pa lang, naglalabasan na ang siko ng iba nating manlalaro. Nu’ng 3rd quarter, nagtitirahan na ng bahagya si Pogoy at si Goulding ng Australia.

Sa kalagitnaan ng 3rd quarter, nag-drive si Pogoy kay Goulding at tinawagan siya ng offensive foul, sabay labas ng siko tungo sa mukha ni Goulding. Hindi naman dumapo ang siko. Habang nagdidribol si Fajardo, binigyan ng malakas na tulak ni Pogoy si Gouldin­g at ito’y bumagsak. Nakita ito ni Kickert ng Australia at biglang sinugod si Pogoy. Dito na nag-umpisa ang gulo.

Sa tingin ko, kapag na-review ng FIBA ang video ng laro, palagay ko mas mabigat ang parusa ng Pilipinas kaysa sa Australia.
Una dahil tayo ang host country. Pangalawa, ang mga manla­laro natin sa bench ang unang pumasok sa
court at pinagsusuntok ‘yung limang Australyano na nagla­laro. Pangatlo, ang mga fan natin ay nagtapon ng mga bote at pati silya. At pang-apat, ang assistant coach ng Gilas ay nanuntok din.

Abangan na lang natin ang decision ng FiBA at sana wala munang mga dokumen­taryo o mga testimonial na ganito.