Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOLE bumawi: Hindi puwedeng walang 13th month pay

0 330

Kumambiyo si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa isyu ng pagpapaliban muna sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga empleyado pagdating ng Kapaskuhan.

Unang inilutang ng kalihim na kanilang kinokonsidera umano na ipagpaliban muna ang 13th month pay ngayong maraming nahihirapan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic lalo na ang mga maliliit na negosyo.

Subalit nitong Sabado ay nilinaw ni Bello na hindi intensyon ng DOLE na ipagpaliban ang 13th month pay ng mga manggagawa dahil malinaw aniya na nakasaad sa batas ang pagbibigay nito.

Sabi ni Bello, may batas hinggil sa 13th month pay na kailangang ibigay bago o sa mismong araw ng Pasko. Hindi aniya puwedeng ma-delay o ipagpaliban ito.

Sa Kongreso, maging si Senador Panfilo `Ping’ Lacson ay nagsabing nasa batas ang pagbibigay ng 13th month pay kaya dapat na sundin ito ng mga employer.

“Nasa batas `yan. Sa tingin ko kailangan ibigay pa rin. Kasi hindi lang employer ang nahirapan. Maraming manggagawa, mga employees nahirapan. So ang kinita ng employers noong nakaraang taon puwede naman siguro nila isakripisyo para ituloy ang pagbigay ng 13th month pay,” sabi ni Lacson.

Makababawi naman aniya ang mga employer kapag natapos na ang pandemya.

Sang-ayon din si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III na hindi puwedeng walang 13th month pay.

“Ang exemption lang dun is kung distress ang kompanya,” sabi ni Sotto sa hiwalay na panayam sa radyo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.