Ikinalungkot ni Department of Labor and Employment (DOLE) Acting Secretary Francis Tolentino ang pagharang ng Pasig Regional Trial Court (RTC) sa pagpapatupad ng dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR).
Sa kabila nito sinabi ng kalihim na inirerespeto niya ang pasya ng hukuman.
Sinabi ni Tolentino na hahayaan niyang ang korte ang magpaliwanag sa batayan ng desisyon habang patuloy na ginagampanan ng DOLE ang mandato nitong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa alinsunod sa umiiral na batas.
Sa pasya ng Pasig Regional Trial Court nagpalabas ito ng status quo ante na pansamantalang nagsususpinde sa pagpapatupad ng P85 daily minimum wage increase sa Metro Manila.
Samantala, kinondena ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang petisyong inihain sa Pasig RTC upang ipatigil ang dagdag-sahod sa NCR.
Sa isang pahayag, sinabi ng TUCP na ang petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-11 Builders Inc. ay mag-aalis sa kinakailangang taas-sahod ng mga manggagawa.
Ang dagdag na P85 sa arawang minimum na sahod ay hinati sa dalawang yugto. Ang unang P60 ay sinimulan ng ipatupad noong Hulyo 25 samantalang ang nalalabing P25 dagdag ay ibibigay sa Enero 1, 2027.
Ayon sa TUCP, ang petisyon ay hindi lamang isang pag-atake sa taas-sahod kundi sa wage-fixing system ng bansa sa ilalim ng Wage Rationalization Act (Republic Act 6727). (Billy Begas)











