Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dolomite beach bida o kontrabida?

0 145

Walang namumudmod ng pera o  ayuda pero dinagsa ng mga tao ang dolomite “beach” sa Manila Bay, at karay-karay pa nila ang kanilang mga anak.

Kahit dinurog na bato lang at dagat ang makikita, kahit papaano eh natugunan ng dolomite beach ang mental health ng mga tao na nagsasabing buryo na buryong na sila sa bahay, lalo na ang mga matatanda at mga menor de edad.

Hindi naman kataka-takang dagsain ang naturang lugar dahil kilala naman ang mga Pinoy sa pagiging “uzi.” Gusto siguro nilang makita ang hitsura ng proyektong binuhusan ng milyong-milyon pondo.

Sa totoo lang, minsan na rin naman natin nasabi na magiging maganda kung malilinis ang Manila bay at magmumukhang beach gaya noong unang panahon na hindi pa polluted at puwedeng paliguan.

Kaya naman maganda na naiayos ang bahaging iyon ng Manila bay at dinagsa ng mga tao na walang ibang mapapasyalan na puwede ang mga bata, at libre.

Iyon nga lang, dahil sa sobrang dami ng mga taong nagsisiksikan, talaga namang peligroso na maging “superspreader event” o magkaroon ng matinding hawahan ng COVID-19 ang lugar.

Ang resulta, iniutos ng Palasyo na bawal na ang mga bata sa dolomite beach at magkakaroon ng time limit sa bawat grupong papayagang pumasok. Kung tutuusin, naging mahirap intindihin ang patakaran sa lugar na puwede ang menor de edad, gayung sa patakaran sa ilalim ng Alert Level 3 eh bawal pa rin lumabas ang mga bata para mamasyal.

SM SuperKidsDay Banner Ad

At kahit sabihin pa na “open area” ang beach, makikita naman ang kumpulan ng mga tao sa labas nito. At may pagkakataon pa na labu-labo na ang mga papunta at paalis.

Kung magkakaroon ng hawahan, ang magiging kawawa eh ang mga menor de edad na wala pang bakuna. Lalo pa ngayon na lumalabas sa mga datos ng Department of Health na tumataas ang severe at critical cases na hindi mo mawari kung nagiging deadly ba ang virus.

Sa ngayon, sinisimulan pa lang ang pagbabakuna sa mga menor de edad na 12-17 pero para pa lang sa mga may comorbidities o sakit.

Kaya mas makabubuting magpigil na muna sa panggigil ang mga magulang na mairampa ang kanilang mga anak habang hindi pa lubos na “safe” ika nga ang paligid.

Kung magdidilang anghel ang mga opisyal ng DOH na patuloy na bababa na ang COVID sa Metro Manila at maging sa buong bansa pagsapit ng Nobyembre, baka payagan na ring gumala ang mga menor de edad kahit hindi pa bakunado.

Pero ngayon, hayaan na munang isama ang mga bata sa mga lugar na puwede silang mag-ehersisyo para sa mental health. At dahil bawal na ang bata sa dolomite beach, baka ang QC Memorial Circle naman ang dagsain na pinapayagan ang mga bata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.