Domestic violence dadami sa panahon ng lockdown – Gatchalian

665

Kailangang siguruhin ng Inter-Agency Council on Violence Against Women and Their Children o IACVAWC na ipapatupad nila Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian dahil sa nakitang pag-akyat ng mga kaso ng karahasan sa mga kabataan at mga kababaihan sa mga bansang nasa ilalim ng lockdown dahil sa COVID-19.

Batay sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources, may isang bata o babae sa bansa ang nakararanas ng pang-aabuso sa bawat sampung (10) minuto.

Mula Abril hanggang Hunyo noong nakaraang taon, lumalabas na halos sampung libong (9,935) mga kaso ang naitala ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center o PNP-WCPC.

“Kahit na nasa ilalim tayo ng isang enhanced community quarantine, patuloy dapat ang pagkilos ng mga ahensya ng ating gobyerno na nagbibigay proteksyon sa mga inaabusong kababaihan at kabataan,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Hindi natin dapat hayaang maging talamak ang karahasan lalo na’t nasa gitna tayo ng isang krisis,” dagdag pa nito.

Sabi ni Gatchalian, ang mga patakaran ng quarantine ay maaaring magdulot ng mas maraming mga kaso ng pang-aabuso sa tahanan. Mas mahihirapan din ang mga biktima na lumabas sa kanilang mga tahanan upang makahingi ng tulong.

Binigyang-diin din ng senador ang mahalagang papel ng mga barangay dahil sila ang pinakamalapit sa mga biktima at mga saksi ng pang-aabuso. Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect, and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, mandato sa mga barangay ang magkaroon ng mga help desks para sa mga kaso ng pang-aabuso at karahasan.

Dagdag nito, tungkulin din ng mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials, at sa mga women and children protection units upang mabigyan ng tulong ang mga biktima.

Hinimok din ni Gatchalian ang Violence Against Women and Children Desk ng National Bureau of Investigation o NBI-VACWD at ang PNP-WCPC na maging alerto at handa sa pagtugon sa mga matatanggap nilang mga ulat. (Dindo Matining)

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...