Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Donasyong dugo, pansalba ng buhay!

0 103

Dalawang taon ding nahinto ang mga blood letting activity ng Department of Health dahil sa banta ng pagkalat ng Covid-19 pandemic.

Kaya dinagsa ng donors ang blood donation activity ng Rural Health Unit – Tanza at Cavite Blood Council noong isang linggo.

Sa pakikipagtulungan ‘yan ng Cavite Provincial Health Office, alinsunod sa rekomendasyon ng DOH.

Kung ating babalikan, nakaranas ng kakapusan sa suplay ng dugo ang bansa noong kasagsagan ng pandemya dahil nagkaubusan ng stock sa mga blood bank, maging sa Red Cross.

Mga empleyado ng munisipyo ng Tanza ang karamihan sa bumuo ng tinarget na 50 blood donors gaya ni Renz Mercado na lagi talagang nagdo-donate ng dugo.

Kuwento niya, hanggang tatlong beses daw siyang mag-donate ng dugo noong bago tumama ang pandemya. Dahil matagal-tagal na lumiban, parang nag-a-adjust daw ang kanyang katawan kaya agad siyang nagpahinga matapos kuhanan ng dugo.

Isa rin ang barangay health worker na si Lanie Valenzuela sa mga blood donor. Nakaugalian na raw niyang lumahok sa mga blood letting activity.

Sa pagkakaalam ni Lanie, malaki raw ang naitutulong ng blood donation para mapalitan at malinis ang dugo sa katawan ng isang tao.

Mga ‘fully vaccinated’ lang ang puwedeng mag-donate ng dugo. Wala rin dapat sintomas ng Covid-19 sa mismong araw ng blood donation.

Bawal ang may tattoo. Hindi rin muna pinahihintulutang mag-donate ng dugo ang may iniinom na maintenance medicines gaya ng mga taong hypertensive at diabetic.

Bawal din muna ang mga senior citizen at may disability.

Ang mga tinamaan ng Covid-19, puwede ring mag-donate ng dugo basta isang buwan matapos magpositibo at sigurado ring negatibo na sa virus.

Ang importante – dapat malusog ang donor.

Dahil lumuwag na ang restrictions…

Posibleng masundan ang gaya nitong blood letting activity sa darating na Setyembre.

Sisikapin na itong gawin ng LGU Tanza apat na beses sa isang taon gaya ng karaniwang ginagawa noong bago magpandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.