Abante Tonite Interactive

Donasyong face mask gawa ng mga preso sa Quezon

257

Kahit nasa bilangguan, nakaisip pa rin ng paraan ang mga babaeng preso ng Gumaca District Jail sa Quezon upang makatulong sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Ideya umano ito ng anak ng jail officer na siyang bumili ng mga materyales upang makagawa ng face mask ang mga preso.

Ipinagmamalaki ng jail officer ang kanyang anak at mga babaeng preso dahil sa kanilang munting paraan ay makakatulong sila sa mga bakwit.

Ang nakamamangha pa rito, kamay lamang ang gamit ng mga preso sa pananahi dahil wala naman silang makina sa loob ng district jail.

Ayon sa post ni Jail Officer 2 Michelle Merilloza sa social media, ipinagmamalaki niya ang kanyang mga nasasakupang preso dahil hindi naging hadlang ang rehas sa pagpapahatid nila ng tulong sa mga kababayang nangangailangan.

Sa naunang post ng jail officer, nabanggit nito na ideya ng kanyang anak na si Mycka Eloiza ang paggawa ng mga face mask para sa mga bakwit.

Napanood kasi ng dalagitang anak ang sitwasyon ng mga bakwit at nadurog ang puso nito kaya naisip na tumulong.

Napag-alaman na si Mycka mismo ang namili ng tela na siyang gagamitin sa pagtatahi at paggawa ng mga face mask na pangunahing kailangan din ng mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Nakipag-ugnayan naman ang kanyang ina sa mga preso. Kahit na walang makinang pantahi, matiyagang ginawa ng mga preso ang de-kalidad na mga face mask gamit lamang ang kanilang kamay.

Dahil dito, suportado rin ito ng kanilang District Jail Warden na si Chief Inspector Rodante Oblefias.

Sa loob lang ng isang araw, natapos na nila itong gawin dala na rin ng dedikasyon nila na makatulong sa kapwa. (Allan Bergonia)