Abante Tonite Interactive

Doon tayo sa hindi dagdag-pasakit

9

Good news sana sa mga magulang at mga estudyante ang ­isinusulong na maagang bakasyon sa panahon ng Kapaskuhan ­bilang isa sa solusyon sa lumalalang problema sa trapiko.

Pero ang kapalit daw ng magandang balitang ito, ayon sa ­Department of Education (DepEd), ay ang mas mahabang panaho­n ng pasukan na maaaring tumagal hanggang Mahal na Araw.

Ang maagang Christmas break sa eskuwela ay inilutang sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ni Senador Grace Poe upang hindi na, aniya, maranasan ng mga estudyante ang trapik na kalsada tuwing Christmas season bukod pa sa malaking kabawasan talaga ang presensya ng mga estudyante, school service sa ating mga pangunahing kalsada.

Subalit kung ang magiging resulta naman ay ang mas pinahabang­ araw ng pasukan ay malaking problema talaga dahil katumbas ito ng panibagong dagdag budget ng mga magulang sa pagpasok ng kanilang mga anak.

Kaya ang sa amin, maging praktikal sana sa pagdedesisyon sa usaping ito.

Oo nga’t mabuting makabawas ng sasakyan at mga estudyante sa kalsada sa Holiday season­ pero kung ang kapalit naman nito ay mas mahabang araw ng pasukan ay huwag na lang ­dahil maraming magulang ang tiyak na aalma.

Kailangan nating isipin­ na ang mas pinatagal na panahon­ ng pag-aaral dahil sa ­implementasyon ng K to 12 program ay nakaapekto nang malaki sa mga magulang na maagang nagba-budget para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Kaya sana sa usaping ito ay ang kapakanan naman ng mga­ ­magulang at estudyante ang ating bigyang-pansin.

Naniniwala rin kaming hindi dapat nagsasakripisyo ang ilang sektor para isaayos ang daloy ng trapiko. Ang dapat gawin ay ­resolbahin ng Department of Transportation (DoTr) ang problema dahil isa ito sa nakaatang na obligasyon sa kanila.