Abante Tonite Interactive

DOT: Bagong mukha ng Maynila magpapalakas sa turismo

395

Ikinatuwa ng Department of Touris­m (DOT) ang ginagawang pag­lilinis ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga pangunahing lugar sa lungsod dahil posible umanong madagdagan ang mga papasyalan ng mga turista sa Metro Manila.

Ayon kay Tourism Assistant Secretary Roberto Alabado ang Maynila umano ang pangunahing destinasyon ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas at pinapasyalan ang mga lugar gaya ng Luneta, Binondo at Divisoria na maituturing namang shopping paradise ng ilang turista.

Sinabi ni Alabado na mas lalakas ang turismo sa sandaling mapapas­yalan na ng mga turista ang mga dati ay iniiwasang lugar.

Nakikipag-ugnayan na aniya umano ang DOT sa tanggapan ni Moreno maging sa Intramuros administration office para matulungan ang mga vendor na naapektuhan ng clearing operation.

Samantala, inanunsyo ng alkalde ang plano nitong paglalagay ng mga solar panel at rainwater collector sa mga rooftop ng mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa Maynila.

Paraan umano ito upang maibsan ang nararanasang krisis sa kuryente at tubig na dapat umanong paghandaan.

Kasabay nito, hinikayat ni Moreno ang miyembro ng board upang umisip ng mga environmental pro­ject at program kaugnay sa renewa­ble energy.

Para rin umano maipaalam na rin sa mga bata ang kahalagahan ng ener­hiya at ang pag-aalaga sa kapaligiran. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)