Abante Tonite Interactive

DOT sa epekto ng COVID-19: Turismo mawawalan ng P40B

307

Aabot sa mahigit P40 bilyon ang inaasahang mawawalang kita ng bansa sa turismo dahil sa pagkalat ng 2019 coronavirus disease (COVID-19), ayon sa Department of Tourism (DOT).

Inanunsiyo ito ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Committe on Tourism kaugnay sa epekto ng naturang nakakamatay na sakit sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa kalihim, batay ang kanilang forecast mula Pebrero hanggang Abril at posibleng umabot sa P42.9 bilyon ang mawawalang kita sa turismo ng bansa mula sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan na sa ngayon ay nasa ilalim ng travel ban.

Tinukoy ni Puyat, ang mga kanselasyon ng flight at cruise mula sa China at sa mga special administrative region nito ang isa sa nagbigay ng malaking ka­lugian sa turismo ng bansa.

Sa mga flight lamang, umabot na sa 465 ang kanselasyon habang 11 cruise sa iba’t ibang port na rin ang sinuspinde muna bilang pag-iingat ng bansa.

Tiniyak ng kalihim na gumagawa ng hakbang ang ahensya para maibsan ang epekto ng sakit sa tu­rismo, “We are discussing roll out of more value-ad­ded tour packages, discounted accommodation rates and marked down prices for domestic flights.”

Samantala, panawagan naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa mga economic planner ng pamahalaan na mahalagang pag-aralan na rin nito ang katatagan ng ekonomiya ng bansa ngayong ang nahaharap sa panganib ang bansa sa COVID-19.

Kailangan umanong mapag-aralan kung gaano kabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa mga ganitong uri ng paghamon.

“I urge our economic planners to assess the nation’s economic resilience and incorporate sush as an objective in the country’s longer-term economic plans,” ayon kay Quimpo. (Eralyn Prado)