Abante Tonite Interactive

DOTA 2 top grosser pa rin sa eSports

237

Nananatiling top grosser o main source ng income ang online game na Defense of the Ancient 2 o DOTA 2 sa mga pinaglalabanan sa internasyonal na mga torneo sa digital games ng electronic sports sa nakalipas na taon.

Mahigit 70 sa nangu­ngunang 100 eGamers sa buong mundo ang nakapagwagi ng malalaking premyo sa DOTA 2 habang ang iba ay iniuwi ang mga naglalakihang premyo alinman sa mga sumusunod na laro na Fortnite, Counter Strike: Global Offensive, League of Legends at Shadowverse.

Una na natin isinulat dito ang Pilipinong may pinakamalaking napanalunan sa paglalaro lamang ng eSports na nasa ika-124 puwesto na may player ID na si DJ o Djardel Jicko Mampusti na nagtala ng $764,997.31 panalo sa DOTA 2 habang nasa 128 silya naman si Tims o Timothy Randrup na may nasungkit na $744,163.75 premyo.

Kumpara sa ibang mga propesyonal na eGamers, katiting lamang ang napanalunan nina Mampusti at Randrup sa nangungunang 10 sa buong mundo.

Nangunguna sa listahan ang taga-Denmark na may Player ID na si NOtail o Johan Sundstein na nakapagwagi ng kabuuang $6,890,591.79 premyo sa pagwawagi sa torneo sa DOTA 2.

Ikalawa ang mula Finland na si JerAx o Jesse Vainikka na may naiuwi na $6,470,000.02 panalo.

Ikatlo ang taga-Australia na si ana o Anathan Pham na may iniuwi na $6,000,411.96 panalo habang ikaapat ang taga-France na si Ceb o Sébastien Debs sa $5,489,233.01 premyo.

Nasa Top 5 si Topson o Topias Taavitsainen ng Finland ($5,414,446.17), 6th ang taga-Germany na si KuroKy o Kuro Takhasomi ($5,143,188.15), 7th si Miracle o Amer Al-Barkawi ng Jordan ($4,706,818.88), 8th place si MinD_ContRoL o Ivan Ivanov ng Bulgaria ($4,497,893.36), ika-9th place si GH o Maroun Merhej ng Lebanon ($4,100,826.44) at ika-10 si SumaiL o Sumail Hassan ng Pakistan ($3,591,225.34.00).

Habang hinihintay na maging opisyal na regular Olympic medal game ang electronic sports ay patuloy naman ang paglaki ng mga pinaglalabanang premyo sa mga isinasagawang torneo na mas lalong nagpapalawak sa mga tagasunod ng pinakabagong popular na sports na ito.

Nakatakda din na isagawa ang iba’t ibang malalaking torneo ngayong taon tulad ng The International at pati na ang isang torneo na isasagawa para lamang ipakilala ang eSports bago ang pagsasagawa ng 2020 Tokyo Olympics.

Marahil, napapanahon na bigyang pansin ng bansa ang pagpapaunlad din sa bagong sports na ito na eSports.