Abante Tonite Interactive

DoTR, hindi seryoso sa emergency powers sa trapik?

0 284

Bakit walang detalyadong plano na maisumite ang Department of Transportation (DoTR) upang resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ito’y lumitaw na naman sa idinaos na pagdinig kahapon ng komite ni Senator Grace Poe.

Sa hearing ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe, muling nalantad na walang master plan ang DOTr kung papaano malulutas ang problema sa trapiko sa buong Metro Manila.

Mahirap naman sa panig ng mga mambabatas na biglang ibigay ang hiling na emergency powers na walang malinaw na plano.

Kung walang master plan na masusumite ang DOTr ay lilitaw na ala tsamba lang ang solusyon sa problema sa trapiko.

Ayon sa ating pagsubaybay ay hindi naman talagang kinokontra ni Sen. Poe at ng iba pang senador ang hiling na emergency powers bagkus ay nais lamang nilang makatiyak na ito talaga ang solusyon sa problema sa Metro Manila sa usapin sa trapiko.

Kung totoong seryoso ang DOTr sa emergency powers ay bakit hindi ito sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill?

Kung sertipikado kasi ng Pangulo ay awtomatikong bibilis ang proseso nito at agad na maaprubahan sa dalawang kapulungan ng Kongreso para maging ganap na batas.

Kung tutuusin ay malinaw naman ang problema sa trapiko at ito ay ang volume o sobrang dami ng sasakyan sa makipot na kalsada na siyang dapat solusyunan ng gobyerno.