Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOTr hinirit mga bike lane sa Google Maps

0 25

Hiniling ng Department of Transportation (DOTr) sa Google na isama ang mga ruta ng bike lane sa Pilipinas sa dashboard ng real-time navigation app na Google Maps bilang tulong sa araw-araw na pagbiyahe ng mga biker.

Sa isang pahayag, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na isang napakagandang pagbabago ito para sa Google Maps lalo pa at maraming Pilipino ang nagbibisikleta na ngayong may pandemya.

Ayon kay Tugade, hinihintay na lamang nila na aprubahan ng Google ang kahilingan ng DOTr subalit buo ang tiwala ng kalihim na pagbibigayan ito ng tech giant.

“We have asked Google to consider this suggestion top priority considering the increasing number of Filipino cyclists. We are confident that we can win their support on this,” ayon kay Tugade.

Sabi ng DOTr, natapos na nilang gawin ang 500 kilometer bike lane network sa buong Pilipinas na binigyan ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.

Kabilang sa bike lane network ang Metro Manila (313.12 kilometro), Metro Cebu (129.47 kilometro) at sa Metro Davao (54.74 kilometro). (Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.