Abante Tonite Interactive

DOTr maluwag sa mga shipping lines?

FOR THE RECORD

By
0 147

Para sa ating mga taga-lungsod, ang mabagal at masikip na daloy ng trapiko ang isa sa pinakamatindi at pinakamalalang problema natin. Gabi na pero amoy-araw ka pa rin dahil nasagap mo na ang singaw ng araw mula sa ilang oras na pagkakababad sa loob ng jeep. May kaunting suwerte kung nakaupo ka sa de-aircon na bus dahil hindi ka mamamaho sa pawis.

Nakalulungkot. Nakakainis. Nakakabuwisit. Hindi nababawasan ang araw-araw na pahirap na ito na dinaranas ng milyun-milyong naninirahan sa lungsod. Delubyo lalo kung taga-Tondo ka at kailangan mong dumaan sa Del Pan Bridge hanggang Road 10.

Paano nga, nakahilera na ang mga truck dito na na kahit isang linya lang ang inookupa eh pahirap pa rin sa mga motorista. ‘Yung hanggang 15 minutos lang sana na biyahe mo mula sa SM Manila hanggang Del Pan eh inaabot ng halos isang oras kapag inabutan ka pa ng rush hour.

Abante Hiring – IT dep

Kung tutuusin, wala nang laman ang mga container na karga ng mga truck na ito eh pero grabe ang perwis­yong dala.

Sabi ni Mary Zapata, pangulo ng Aduana Business Club Inc., (ABCI), walang dapat sisihin dito kung hindi ang mga may-ari ng shipping lines na walang sariling mga container yard para paglagyan ng mga nagamit na container.

Sa ilalim kasi ng sistema, kailangang isoli ng mga truck ang mga wala nang lamang container sa mga shipping lines pagkatapos nilang maibaba ang laman ng mga ito sa mga pantalan.

Ang sabi ni Zapata, ang problema kasi ay mas maraming shipping line ang walang sariling container yard kung kaya’t pwersado ang mga truck na maghintay at mag-is­tambay sa kahabaan ng tulay ng Del Pan hanggang Road 10.

Ang siste, hindi lang oras kundi araw ang pinaghihintay ng ibang truck kaya hindi sila agad nakababalik sa mga pantalan para maglaman ng mga bagong kargamento.

Maryosep, eh bakit nagkakaganito?Bakit ang haba ng pasensya at ang luwag yata ng gobyerno sa mga shipping lines na ito?

Dumadaing din si Zapata na sila na nga ang agrabyado, sila pa ang kailangang magmulta sa tuwing nade-delay ang kuha nila ng mga bagong kargamento.

Kahit nga si Manila Mayor Joseph Estrada, wala ring magawa sa problemang ito. Gusto niyang maresolba ang problema sa trapiko lalo na sa Road 10 pero saan nga ilalagay ang mga wala nang laman na container?

Noong isang araw, nag-usap ang grupo nina Zapata at Mayor Erap pero inamin mismo ni Mayor na wala siyang powers para maresolba ito.

Ang dapat daw na kumilos ay ang Phi­lippine Ports Autho­rity (PPA) at Bureau of Customs (BOC) na parehong kumikita sa kalakalang ito.

Wala naman daw pakinabang ang Maynila rito pero ito ang apektado sa palpak na kalakaran sa pagitna ng mga shipping lines at ahensiya ng gobyerno.

Ang isa pang dapat kalampagin ay itong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade kasi ang departamento niya ang may kontrol sa operasyon ng mga shipping lines ‘di ba?

Eh gaano naman ba ka-totoo Sec na pigil ang kilos mo kasi ang anak mo ang nagmana o nagpapatakbo sa shipping line na pansa­mantala mong iniwan nang maupo ka diyan sa DOTr?

Aba eh ipaliwanag mo ito sa taumbayan Secretary Tugade. ‘Wag kang tahimik sa isyu at ayaw ni Pangulong Duterte ng ganyan.

Para po sa inyong mga tanong, mungkahi o reklamo, at your service po ang pitak na ito. Mag-email lang sa miraclewits@gmail.com