Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DPWH, BIR exec sibak sa korapsiyon

0 62

Dalawang opisyal ng gobyerno mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nadagdag sa listahan ng mga sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inianunsiyo ng Pangulo sa kanyang regular ‘Talk to the People’ Lunes ng gabi bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa mga tiwali sa gobyerno.

Ayon sa Pangulo, pinir­mahan na niya ang termination paper ng dalawang opisyal na hindi nito pina­ngalanan sa publiko.

“This week, I signed about two documents terminating –sa BIR na naman pati sa DPWH,” anang Pangulo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Inatasan na aniya nito si DPWH Secretary Mark Villar na igarahe sa opisina ang mga markadong corrupt at hindi marepormang mga kawani ng gobyerno habang hinahalukay ang record ng mga ito sa paggawa ng katiwalian.

Pinagtatanggal na aniya ni Villar ang mga tauhan niyang pinaniniwalaang gumagawa ng kalokohan lalo na sa mga ginagawang proyekto ng gobyerno.

“Sabi ko sa kanya, ilagay mo lang muna sa opisina while we will dig into the records to see if they have committed graft and corruption,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang sa mga nagdaang ‘Talk to the People’ ng Pangulo ay regular na isinasapubliko nito ang pangalan ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na nasuspinde o nasibak sa serbisyo matapos mapatunayang sangkot sa korapsiyon. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.