Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DPWH korapsyon patalupan sa DOJ – Sotto

0 181

Mas makabubuti kung Department of Justice (DOJ) ang mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan sinasabing may ilang sangkot na kongresista.

Ito ang nirekomenda ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III ilang araw matapos ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na matindi ang korapsyon sa DPWH.

Sa panayam sa radyo nitong Sabado, sinabi ni Sotto na hindi sila puwedeng mag-imbestiga sa isyu ng mga mambabatas na sangkot umano sa korapsyon sa DPWH dahil may tinatawag na parliamentary courtesy kung kaya’t mainam aniyang DOJ ang magsagawa nito.

Subalit puwede umano silang magsagawa ng pagdinig para makabuo ng batas upang pigilan ang kurakutan sa DPWH.

Iginiit din ni Sotto na dapat pangalanan at ilantad ang mga sangkot sa korapsyon.

“Papaano matitigil iyan kung hindi mo ilalantad? Sino-sino sa public works ang gumagawa niyan?…Ano ang ebidensya na ginawa nila iyan? Iyon ang importante para matigil once and for all,” ani Sotto.

SM food to go Banner Ad

Kumpiyansa rin si Sotto na walang isa man sa kanilang mga senador ang sangkot sa DPWH korapsyon.

Listahan ibibigay kay Duterte

Tumanggi si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sangkot umano sa DPWH korapsyon.

“Kung sasabihin ko kung sino ang aming iniimbestigahan bago pa sa aming inquiry, or kung sino ang mga suspects, eh di parang sinabi po dun sa huhulihin na ay huhulihin na siya; and that will compromise the investigation,” sabi ni Belgica sa Laging Handa briefing nitong Sabado.

Pero nilinaw nito na hindi lahat ng kongresista ay sangkot sa korapsyon.

Aniya pa, isusumite nila kay Pangulong Duterte ang listahan ng mga mambabatas na sangkot umano sa korasyon sa DPWH.(Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.