Abante Tonite Interactive

DPWH nagtayo ng hanging bridge sa liblib na barangay sa Nueva Vizcaya

0 357

Hindi na mahihirapang maglakad ng malayo at tumawid sa isang ilog ang mga residente ng Barangay Aurora sa Nueva Vizcaya para lamang makapasok at makalabas sa kanilang liblib na lugar dahil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagtatayo na ng hanging bridge.

Sinabi ni DPWH-Nueva Vizcaya First District Engineer Oscar G. Gumiran ang proyektong isang milyong pisong hanging bridge ay matatagpuan sa Barangay Aurora, Quezon, Nueva Vizcaya ay ginagawa upang mawakasan ang nararanasang hirap ng mga lokal sa Barangay Aurora.

Ang mga taong higit na makikinabang sa hangin­g bridge ay ang mga mag-aaral na pumapasok sa mga klase sa Barangay Boliwao Elementary School, na matatagpuan sa kabilang bahagi ng ilog ng Magat River.

Ang pagtatayo ng hanging bridge na 75.20-li­neal meter na bakal ay ginagawa ng DPWH-Nueva Vizcaya First District Engineering Office (DPWH-NVFDEO) na pinondohan sa ilalim ng 2019 Local Infrastructure Program.

Bago matapos ang proyekto, ang mga estud­yante ay naglalakad ng halos 5.35 kilometro, umulan man o umaraw, makapasok lang sa eskuwelahan. Ngunit ngayon, ang tulay na ito ay magbibi­gay ng isang mas ligtas at mas maikling koneksyon para sa mga mag-aaral at stakeholder sa lugar, sabi ni Gumiran.

Bukod sa mga naglalakad, ang tulay ay maaari ding payagang makadaan ang mga motorsiklo na nagbibigay ng alternatibong ruta na mapadali ang paghahatid ng mga kalakal at serbisyo dahil ang kita ng mga residente sa lugar ay higit na umaasa sa agrikultura at pagmimina. (Mina Aquino)