Abante Tonite Interactive

DPWH project site pinasok ng magnanakaw

457

Inaresto ng mga pulis ang isang lalaking nagnakaw ng mga kagamitan sa construction barracks ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Malate, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Nabawi rin ng mga pulis sa suspek na nakilalang si Ariel Christian Manadbanag, 28-anyosm ang mga ninakaw nitong construction tools na nagkakahalaga ng P3,000.

Ayon kay Engineer Robert Salvador na siyang nagreklamo sa pulisya, natuklasan niya na puwersahang binuksan ang bodega ng construction barracks kung saan naroon ang mga materyales, nang bisitahin niya ang lugar dakong alas-12:00 ng tanghali.

Kaagad nagreklamo sa barangay si Salvador at nang tingnan ang record ng closed-circuit television (CCTV) ay nakita at nakilala ang suspek.

Pasado alas-singko ng hapon nang puntahan nina Patrolman Romnick Pante at Patrolman Lester Pabila ng Arellano Police Community Precinct, ang suspek at inaresto sa bahay nito sa Arellano St., Barangay 732, Malate.

Nalaman kay Salvador na napilitan silang ihinto ang isinasagawang proyekto dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine kaya nanatili na lamang sa construction site ang kanilang mga trabahador.

Kakasuhan ang suspek ng robbery in an uninhabited place batay sa Article 302 ng Revised Penal Code, sa Manila Prosecutors Office.(Juliet de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad