Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DPWH-Villar buhos budget sa Taguig, CamSur – Negros cong

0 251

Kinuwestyon ng isang mambabatas ang pondong inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga congressional district sa ilalim ng panukalang 2021 budget ng kagawaran dahil sa tila hindi umano patas na pamamahagi nito.

Sa budget hearing ng House committee on appropriations na ginanap nitong Huwebes, tinanong ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. si DPWH Secretary Mark Villar kung may katotohanan ang nasagap umano niyang impormasyon na ang Taguig City ay makakakuha ng P8 bilyong alokasyon habang P11 bilyon naman ang inilaan para sa Camarines Sur.

“Gusto ko lang ma-confirm kung totoo ba na ang Taguig City is getting more than P8 bilyon and CamSur is getting P11.8 bilyon?” usisa ni Teves kay Villar.

Subalit sa halip na direktang sagutin ang mambabatas, sinabi lamang ni Villar na wala silang tinatago at bukas ang kanilang budget para sa masusing pagbusisi ng Kongreso. Sinabi pa ng kalihim na magsusumite siya ng mga dokumento na may kinalaman sa mga tinatanong ni Teves.

SM food to go Banner Ad

Si House Speaker Alan Peter Cayetano ang kinatawan ng Taguig City habang si Deputy Speaker Luis Raymund `LRay’Villafuerte ay kinatawan ng 2nd District ng Camarines Sur.

Gayunpaman, sa gitna ng deliberasyon ay naghain ng mosyon si House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. para ipagpaliban ang pagdinig dahil na rin sa ‘attendance issue’ dulot ng hindi personal na pagdalo ni Villar at iba pang opisyal ng DPWH sa budget hearing.

“The reason why the deliberation of the budget of the DPWH is being held in the plenary [is] because we would like the officials of the DPWH to be with us,” ayon kay Abante.

Dalawang undersecretary at tatlong assistant secretary lamang ng DPWH ang personal na dumalo sa pagdinig habang si Villar ay sa pamamagitan ng videconferencing lang.

Inaprubahan naman ng komite ang pagpapaliban ng budget hearing sa DPWH. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.