Abante Tonite Interactive

DRBabae sa gitna ng kama at naputol na braso

320

Dear Dreamcatcher,

Nanaginip po ako na may babae sa pagitan na­ming mag-asawa tumayo ako at iniwan ko raw sila. Pagkalipas ng ilang minuto tinawag ako ng asawa ko at humihingi siya ng tulong. May mga naunang tao sa paglapit sa pinto ng kuwarto. Nangyari ito sa bahay ng aking pamilya. Pagpasok ko sa kuwarto nakita ko na putol ang kanang braso ng aking asawa at sinasabihan ko siyang ‘wag mag-alala. Sinabi ko rin sa asawa ko na hindi ko na siya pagtatrabahuhin gaya ng lagi naming napag-uusapan lately. Ano po kaya ang ibig sabihin nito?

Ann ng Taguig

Ang iyong panaginip ay may kinalaman sa kalagayan ng iyong relasyong mag-asawa.

Ang babae sa inyong pagitan ay representasyon ng iyong pagdududa na karaniwan naman sa mga may-asawa. Dapat mong itanong sa iyong sarili kung wala ka bang tiwala sa iyong asawa? Pakiramdam mo ba ay hindi siya nagiging tapat sa inyong pagsasama?

Sa iyong panaginip, sa halip na komprontahin mo ang iyong asawa ay iniwan mo siya kasama ng babae sa inyong kama. Hindi ito natural na ginagawa ng isang misis. Kahit na sinong misis ay magdadakdak kapag may babae sa pagitan nila ni mister.

Sa bahaging ito ng iyong panaginip ay nagpapakitang kailangan mong pag-aralan kung ano ang tunay mong nararamdaman para kay mister. Ikaw lamang ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon sa inyong dalawa kaya ikaw din ang makapagbibigay ng eksaktong interpretasyon.

Related Posts

Ang bahagi ng iyong panaginip na naputol ang braso ng iyong asawa ay may kinalaman sa sinasabi mong madalas niyong napapag-usapang mag-asawa na hindi mo na siya pagtatrabahuhin. Ang pagkaputol ng kanyang braso sa panaginip ay indikasyon na ito ang nakikita mong mangyayari kapag hindi na siya magtatrabaho.

Ang kamay at braso ay napakahalaga sa isang tao at ang maputulan nito ay halos katulad na rin ng pagkabawas ng kanyang kakayahan. Kumbaga, nababawasan ang silbi ng isang tao kung nagiging limitado na lamang ang magagawa ng kanyang isang kamay.

Ito ang posibleng nakikita o kaya’y kinatatakutan mong senaryo kapag hindi na nga nagtrabaho si mister—mababawasan na ang kanyang silbi.

Timbangin mo ang tunay na nangyayari sa inyong pagsasama dahil posible namang nasa isip mo lamang ang lahat ng pagdududa. May mga mister na kahit hindi nagtatrabaho ay marami pa ring silbi sa bahay lalo na kung si misis ay nasa ibang bansa at si mister ang gumagawa ng lahat ng tungkulin ng isang ina.

Sa kabuuan, ang iyong panaginip ay tumutukoy sa iyong tunay na saloobin. At ikaw din lamang ang tunay na makakapagbigay-linaw sa iyong naging pana­ginip. Alalahaning sa buhay may asawa, importante ang pagtutulungan at pagtitiwala sa isa’t isa.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.