Abante Tonite Interactive

Dream boy, dream lover

107

Madalas ko pong napapanaginipan ang isang lalaking estranghero. Hindi ko siya kilala at hindi ko pa siya nakikita sa tunay na buhay.

Sa panaginip pong ito, nayayakap ko siya at pakiramdam ko ay mahal na mahal ko siya at ganun din siya sa akin.

Masaya raw kami sa isa’t isa. Kapag nananaginip ako, malinaw kong nakikita ang kanyang mukha pero sa tuwing magigi­sing po ako, hindi ko na tanda ang itsura niya at tanging ang height lang niya at katawan niya ang aking natatandaan. 22 years old lang po ako at single. Sana po ay mabigyan ng pansin ang a­king katanungan.

Makapangyarihan ang ating isip at ang iba ay sadyang may magaling na imahinasyon kaya may kakayahang lumikha ng iba’t ibang mukha at iba’t ibang istorya kahit nasa subconscious state na nangyayari kapag tayo’y na­tutulog.
Ang iyong recurring dream tungkol sa isang lalaki na hindi mo pa nakikita o nakikilala sa iyong aktuwal na buhay ay nagpapakita lamang na naghahanap ka ng mamahalin. Maaari ring masyado kang idealistic kaya ang iyong subconscious ay merong ipi­normang dream boy na siya mong paulit-ulit na napapanaginipan.

Sinabi mong single ka. Wala ka ring nabanggit kung meron kang boyfriend o kung nagkaroon ka na ng karelas­yon. Kung ikaw ay wala pang nagiging karelasyon, ang subconscious mo ang nagsasabing gusto mo nang magkaroon ng ganitong karanasan. At dahil wala ka pang minamahal sa tunay na buhay, binibigyan ka ng iyong subcons­cious mind ng ideya kung paano magkaroon ng karelasyon.

Sa iyong panaginip, nayayakap mo ang iyong dream boy at alam mong masaya kayong dalawa. Puwedeng sabihing ang recurring dream na ito ay ‘wishful thinking’. Ang relasyon mo sa dream boy na ito ang pangarap mong maranasan. Pangarap mong makita ang isang Mr. Right na magpapasaya sa iyo.

Kung ano ang itsura ng lalaking iyong napapanaginipan, ganun din ang maaaring ideal guy mo.

Subalit merong naniniwala na ang ganyang panaginip ay isang pahiwatig. May ilang pag-aaral ang nagsabing naging totoo para sa ilang tao ang ganyang uri ng panaginip. Pero ito ay depende sa iyong paniniwala.

Sa kabuuan, wala namang negatibo sa iyong panaginip. Ito ay paraan lamang ng iyong isip para pagbigyan ang maaaring pangungulila ng iyong puso. Kung nais mong matigil ang mga ganitong panaginip, magpokus ka sa aktuwal na buhay. Mas bigyang pansin ang mga la­laki na nasa iyong paligid at hindi ang karakter na nilikha lamang ng iyong isip.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.