Abante Tonite Interactive

Dream Catcher: Nanaginip na umiiyak

3,965

Nanaginip akong umiiyak, hindi ko na matandaan kung ano ang dahilan ng aking pag-iyak. Nagising na lang akong umiiyak pa rin at literal na lumuluha.

May hatid bang lungkot ang iyong paggising o nagdulot ito ng paggaan ng iyong pakiramdam?

Kung sa iyong paggising ay mabigat ang iyong kalooban, ang iyong pag-iyak sa panaginip ay nagpapakita ng matinding kalungkutan.

Nagpapaalala ito na merong suliranin na pilit mong nilalabanan o meron pilit pinagtatakpan na malaking kakulangan sa buhay.

Maaring may isang problemang pilit mong binalewala, ayaw mong tingnan at pilit kinakalimutan. Subalit lumalabas ito sa iyong sub-conscious.

Meron ka bang taong nami-miss, isang mahal sa buhay na napalayo na sa iyo?

Minsan kahit gusto nating umiyak, pilit tayong nagtatapang-tapangan hanggang sa makumbinsi ang sarili na nalagpasan na ang nararamdamang pighati.

Subalit alam ng isip natin na hindi pa tapos ang lungkot. At kapag ganito ang sitwasyon, madalas lumalabas sa panaginip natin ang tunay na nilalaman ng ating isip. Pilit inilalabas ang sakit. Ipinaalala na hindi perpekto ang buhay.

Isa lamang itong paraan ng iyong isip para linisin ang sakit sa pamamagitan ng pagluha o isa itong paraan para ganap ka nang maka-move on.

Kung sa paggising mo naman ay magaan ang iyong pakiramdam kahit naluluha ka, ang pag-iyak sa iyong panaginip ay maituturing na tears of joy.

Isa itong pagse-celebrate ng pakiramdam na nalagpasan mo na ang isang matinding pagsubok at ipinaalala ng iyong sub-conscious na may dapat kang ipagsaya, may dapat i-appreciate at ipagpasalamat.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER  ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay.  Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.