Abante Tonite Interactive

Driver nabagsakan ng container van patay

323

Nasawi ang isang driver makaraang mabagsakan ng container van na nahulog sa kasalubong na trailer truck bed kamakalawa ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika Highway, sakop ng Brgy. San Pascual, Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Lt. Colonel Alexie Desamito, nakilala ang biktima na si Willy Cereno Solis, 44, taga-Brgy. Nilumbot, Mapandan, Pangasinan.

Alas-3:00 ng madaling-araw minamaneho ni Solis ang 6-wheeler closed van, lulan sina Alexander Aranas, 49, taga-Caloocan City at Rujin Dacaymat, 20, taga-Sta Barbara, Pangasinan.

Kasalubong nito ang trailer truck (TQR 764) na minamaneho ni Gonzalo Rizabal Calipes Jr. 46, taga-Balut, Tondo, sakay ang pahinanteng si Jefferson Catalan Calipes, 20, na may kargadang container van.

Sa imbestigasyon, may nag-overtake na sasakyan sa trailer truck na ikinabigla ni Calipes Jr. kaya nakabig nito pakanan ang manibela.

Hindi nito napansin na sumabit ang container van sa puno ng akasya sa gilid ng highway kaya kumalas at nahulog ito.

Tiyempong paparating ang sasakyan ni Solis kaya ito ang nabagsakan. (Jojo De Guzman)