Abante Tonite Interactive

Driver nag-casino, sinanla pati sasakyan ng amo

361

Swak sa kulungan ang isang driver at kasama nito nang mahuli ng kanyang amo at ang nawawala nitong sasakyan matapos nitong isanla para magsugal sa casino sa Silang, Cavite.

Nakakulong nga­yon sa Silang Custodial Center ang suspek na si Kogi Orbano, 29, driver, ng Carmona, Cavite; at Jorge Alcala Jr., 48, may asawa, ng Taguig City dahil sa reklamo ni John Lester Lee, 39, isang Tsinoy at residente ng Silang Cavite South Forbes, Phuket Mansion, Brgy. Inchican Silang, Cavite.

Sa ulat ni PCpl. Joh Aldrine Patam, ng Silang Municipal Police Station, inutusan ng biktima ang kanyang driver na ihatid ang kanyang assistant sa Manila gamit ang kanyang Toyota Wigo noong Miyerkoles dakong alas-10:30 ng gabi subalit hindi na ito bumalik.

Tinawagan niya si Orbano subalit hindi ito sumasagot hanggang sa nitong Biyernes dakong alas-5:30 nang napansin nito ang isang kotse na walang plaka at conduction sticker na kahawig ng kanyang kotse na nakaparada sa Ichican Road. Nilapitan niya ito kasama ang kanyang security personnel kung saan naabutan sa loob ang dalawang suspek.

Gayunman, nagkaproblema ngayon ang biktima nang nalaman na ang kanyang kotse ay isinanla ni Orbano at hindi na rin masoli ang pera dahil natalo na ito sa casino. (Gene Adsuara)