Abante Tonite Interactive

Driver sinita sa parking, pumatay

238

Nasawi ang isang barangay tanod sa Dasmariñas City, Cavite matapos barilin ito ng hindi pa kilalang driver na kanyang nakasagutan nitong Linggo ng madaling-araw.

Idineklarang dead on arrival sa pinagdalhang pagamutan dahil sa isang tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa dibdib ang biktimang si Samim Sarilama, 23, tanod sa Barangay H-2, Dasmariñas City.

Sa ulat ni PLTCOL Nerin Ricohermoso, hepe ng Dasmarinas City police, naganap ang insidente dakong alas-tres ng madaling-araw.

Sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang kanyang pamangkin na si Abdul Khair Jaffar at pauwi na sana sa kanilang bahay nang makita nito ang nakaparadang closed van na bahagyang nakaharang sa kalsada.

Hinintuan ito ni Sarilama at kinausap ang hindi pa kilalang driver na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng pagtatalo ay kinuha ng driver ang kanyang baril at pinutukan sa dibdib ang tanod saka mabilis na tumakas at iniwan ang minamanehong sasakyan. (Edwin Balasa)