Abante Tonite Interactive

Driver, store owner timbog sa overpricing ng alcohol

0 481

Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang driver ng ride hailing app at isang store owner sa ikinasang entrapment operation dahil sa pagbebenta ng overpriced na alcohol sa Bulacan kamakalawa.

Base sa ulat mula sa tanggapan ni Bulacan provincial police acting director Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang mga inaresto na sina Mark Marvin Dalawis y Bandojo, 24, Grab driver na taga-Quezon City at Ma. Monica Ann Valencia y Gatdula, 34, wholesale store owner na taga-Brgy. Palimbang, Calumpit.

Nabatid na nakipagtransaksyon ang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Marilao Police kay Dalawis at umorder ng 18 galon ng isang brand ng alcohol na nagkakahalaga ng P665 kada isang galon.

Gayunman, nasa P500-550 per gallon ang Suggested Retail Price (SRP) ng Department of Trade and Industry (DTI) kaya inaresto si Dalawis dahil sa overpricing at kinumpiska ang mga ibinebentang alcohol.

Samantala, dinakip naman ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Police Office at San Rafael Police ang negosyanteng si Valencia na may-ari ng isang wholesale store sa Brgy. Palimbang, San Rafael dahil sa pagbebenta ng isang kahon na alcohol na walang proper label at price tag.

Nabatid na bago inaresto si Valencia ay nagsagawa muna ng test buy ang mga awtoridad. (Jun Borlongan)