Abante Tonite Interactive

Driver todas sa loob ng jeep

By
1,706

Hindi na nakaalis sa harap ng manibela ang isang jeepney driver matapos itong barilin ng mga armadong suspek habang namamasada sa Tiaong, Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Tiaong police ang biktima na si Noli de Chavez de Jesus, 41-­anyos, residente ng Brgy. ­Castillo, Padre Garcia, Batangas.

Batay sa report ng ­Tiaong-PNP, dakong alas-6:45 ng gabi, huminto umano ang biktima sa C.M. Recto Street, Brgy. Quipot upang magsakay ng pasahero nang lumapit ang dalawang ‘di nakilalang lalaki.

Sabay na bumunot ng baril ang dalawa at pinagbabaril ang biktima na namatay noon din.

Agad ding tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Samantala, isa namang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa Barangay San Agustin sa nasabi ring bayan.

Ayon sa mga imbestigador ng Tiaong police, nakagapos ng alambre ang mga paa nito at posibleng pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang doon ang bangkay upang iligaw ang imbestigasyon.