Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Droga pa rin ang problema

0 274

Nitong nakalipas na araw ay nag-viral sa social media ang mala-best actress na eksena ng isang umano’y model na sinita dahil sa simpleng traffic violation sa Malate, Manila subalit nang masakote ay nanakit ng traffic enforcer, nag-eskandalo hanggang sa madala sa presinto.

Pero sa ginawang imbestigasyon ng mga operatiba ng Manila Police District, lumitaw na sangkot din pala ang model sa illegal na droga at sa follow-up operation ay nasakote ang tatlo pang kasamahan.

Sari-saring opinyon ng mga netizen ang ibinigay kung bakit tila kakaiba ang inasal ng babaeng suspect gayong maaari naman itong nagpatiket na lang at hindi na sana lumala ang problema nito.

Pero ang nais kong ipunto sa pangyayaring ito ay ang isyu ng droga na talamak pa rin sa kabila ng patuloy na anti-drug campaign ng gobyerno.

Sino ang mag-aakala na ang isang modelong nasita lamang sa simpleng traffic violation ay mauugnay sa isyu ng droga at kung hindi dahil sa magaling na pag-imbestiga ng mga otoridad ay hindi ito mabubuko .

Lahat halos ng gimik at taktika ay ginagawa na ng mga sindikato ng droga para makapagpatuloy sa kanilang illegal drug trade.

Wala pa ring takot ang mga sindikato sa kanilang illegal na operasyon dahil sa kagustuhang makabawi matapos mabulabog at malansag ang mga laboratoryo sa war on drugs ng administrasyon.

Sadya namang kinatakutan ang “Oplan Tokhang” noong mga unang taon ng Duterte administration dahil talagang kinalos ang mga nasa likod ng illegal drug trade operations sa bansa.

Marami-rami na ring bigtime druglords ang naglaho sa mundo, pati na ang mga pulitikong markado sa illegal na droga, at mga small-time na galamay na kung tawagin ay “piyait-piyait”.

Pero nakapagtatakang sa kabila ng war on drugs ng administrasyon ay marami pa ring nasasakote na sangkot sa illegal na droga at bultuhan kung makakumpiska ang mga otoridad ng shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot.

May nakakalusot pa rin na mga kontrabando sa kabila ng pinaigting na kampanya ng mga otoridad.

Ang sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nalansag na ang mga laboratoryo ng shabu sa bansa pero bakit marami pa rin ang nasasakoteng illegal na droga ang mga otoridad?

Ibig bang sabihin nito may napapalusutan o nalulusutan sa pagbabantay ng mga kontrabandong pumapasok sa bansa? Aba, dapat gumising ang mga natutulog sa pansitan kung mayroon man.

Habang abala ang lahat sa pagtugon sa problemang dulot ng COVID-19 ay abala rin ang mga sindikato ng droga sa kanilang illegal na operasyon at sinasamantala ang sitwasyon para makapagpasok ng illegal na droga.

Aminado naman si Pangulong Duterte na malaki pa rin ang problema sa illegal na droga at bagamat halos isang taon na lamang ang natitira sa kanyang termino, magpapatuloy aniya ang war on drugs hanggang sa huling araw ng kanyang pagiging Presidente.

Harinawa na sa kasabay ng pagtatapos ng termino ng Pangulo ay tuluyang malumpo o mapahina ang puwersa ng sindikato ng illegal na droga para makaligtas sa kalawit ng masamang bisyo ang mga susunod na henerasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.