Abante Tonite Interactive

Drone, eroplano bawal sa Batasan

216

Magpapatupad ng no-fly zone sa Batasang Pambansa Complex at mga katabing lugar ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City gayundin sa Plaridel, Bulacan na nagsimula na kahapon hanggang Hulyo 23.

Ayon sa CAAP advisory, layu­nin nito na matiyak ang seguridad sa pagbubukas ng 18th Congress at sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara de Representante bukas.

Ipapatupad ang no-fly zone mula alas-dos nang hapon hanggang alas-nuwebe nang gabi na sasakop sa 4-nautical mile ra­dius (7.4 kilometro) ang layo sa House of Representatives.

Simula alas-10:47 nang u­maga kahapon hanggang alas-11:00 ngayon ay lilimitahan ang pagpapalipad ng drone sa vertical limit na 8,000 feet above ground level (AGL) at sa layong 10 kilometro mula sa Batasang Pambansa.

Iiiral din ang no-fly zone sa layong 10km radius sa paligid ng Plaridel, Bulacan kung saan naroroon ang ilang flying school sa Lunes muna alas-siyete nang umaga hanggang alas-singko nang gabi, ayon sa CAAP.

Sinuspinde din ang training flights sa Luzon flying school mula alas-12:00 nang madaling-araw sa Lunes hanggang kinabukasan sa kaparehong oras.