Abante Tonite Interactive

Drug den raid, 1 patay, 3 arestado

By
8

Patay ang isang jeepney driver habang arestado ang kinakasama nito at dalawang iba pa matapos maaktuhang nagsasagawa ng pot session sa loob ng isang bahay na nagsisilbing drug den umano, kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Namatay noon din ang suspek na si Lota del Mundo, 40-anyos, jeepney driver, ng 338 C.M. Recto Avenue, Binondo, Maynila bunsod nang tinamong limang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman at nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mga suspek na sina Alma Dina Basnillo, 40, live-in partner ni del Mundo; Mary Rose Domingo, 26; at Kieth Ke­vin Murallos, 22; ­pawang residente ng C.M. Recto Avenue, sa Binondo.

Abante Hiring – IT dep

Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, alas-kuwatro ng hapon nang salakayin ang se­cond floor ng bahay ni Del Mundo ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 11, sa pangu­nguna ni Police Chief Inspector Leandro Gutierrez ang tahanan nito.

Tinungo umano ang lugar ng mga awtoridad kung saan naaktuhan ang apat na bumabatak ng shabu.

Tumakbo umano sa kuwarto si Del Mundo at kinuha ang kanyang .38 kalibre na baril at pagda­ting ng mga pulis kung saan hinabol siya ni PO2 ­Robert Dulay ay hinimok na sumuko pero sa halip na sumuko ay tatlong beses nitong binaril si Dulay kaya napilitan itong gumanti ng putok na naging sanhi ng kamatayan ni Del Mundo.