Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Drug den sa pabahay nabuking

0 147

Sa kulungan bumagsak ang apat na lalaki na sinasabing mga tulak ng iligal na droga makaraang salakayin ng mga pulis kahapon ang bahay na ginagawa umanong drug den sa isang housing project ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Albert Torres, 41, residente ng Disiplina Village, Barangay Bignay; Enrique Aquino, 46, ng Bahay Pari, Barangay Gen. T. De Leon; Edmund Victoriano, 41, ng Northville, Barangay Bignay, at John Michael Pitogo, 31, ng Natividad Subdivision, Barangay Punturin ng siyudad.

Kinasuhan ang mga ito ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay P/Lt. Joel Madregalejo, officer-in-charge ng Station Drug Enforcement Unit, bandang alas-2:45 ng madaling-araw, nagkasa sila ng buy-bust operation sa bahay ni Torres.

Nakatira ito sa housing project ng Valenzuela LGU na para sa mga informal settler o mga walang sariling bahay.

Isa sa mga pulis ang nagkunwaring iiskor ng shabu mula kay Torres at sa loob ng bahay nito ang abutan ng pera at droga.

Naroon din sa bahay ng target ang tatlong kasamahan na umano’y bumabatak ng shabu sa panahon ng transaksiyon.

Ayon sa awtoridad, kapag may dalang droga sina Aquino, Pitogo at Victoriano ay dumideretso sila sa bahay ni Torres.

Matapos ang transaksiyon ay pinagdadampot ang mga suspek saka dinala sa presinto at ikinulong. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.