Abante Tonite Interactive

Drug group leader nabitag, shabu kinantang galing NBP

505

Arestado ang lider ng isang malaking sindikato ng iligal na droga at kanang kamay nito matapos ang buy-bust operation ng pulisya kung saan nakuha sa dalawa ang aabot sa mahigit P500,000 halaga ng shabu Huwebes nang gabi sa Barangay Bolbok, Batangas City.

Sa interogasyon ng pulisya, sinabi ng Batangas City Chief of Police, P/Lt. Col. Sancho Celedio na umamin naman ang mga suspek na sina Ruel Casao, 47, lider ng grupo at Warren Villena, 41, na nakukuha nila ang suplay ng iligal na droga sa loob mismo ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Mismong ang mga drug lord umano na nakakulong sa nabatid na piitan ang may kontrol ng bentahan ng iligal na droga sa Metro Manila at karatig lalawigan, ayon pa kay Celedio base na rin sa isiniwalat ni Casao.

Napag-alaman pa kay Celedio na ang grupo ni Casao ay siyang numero unong illegal drug distributor sa Southern Luzon.

Ang salaysay ni Casao ay hindi na rin bago sa pulisya dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagsabi noong 2016 hinggil sa laganap na bentahan ng iligal na droga sa bilibid.

Lumalabas sa ulat ng Batangas City police na isang entrapment ope­ration ang isinagawa ng pulisya laban kay Casao dakong alas-siyete nang gabi nitong Huwebes sa Brgy. Balook, Batangas City.

Matapos magpalitan ng shabu at marked money mula sa poseur buyer ay agad na dinakip ng awtoridad si Casao kasama si Villena at nakuha sa kanila ang tinatayang 80 gramo ng shabu na nagkakahalagang P540,000.

(Edwin Balasa)